SA ANTIGONG LUNGSOD
by Raymund Magno Garlitos
Ang kapalaran mo ngayo’y pinagkakatotoo
dito sa kabihasnan ng mga pagkakataon
na ang tanging pabuya ay karanasan.
Tila hindi mo mahintay ang karanasang
ito:
ang magpaka-baguntao. Ngayong
pantay
na sa damit ang iyong kalamnan,
mga buhok
sa katawang pinagyaman ng hirap
at determinasyon,
mga kukong hindi na nakatikim
ng pagkaputol,
walang mag-aakala na ikaw ay
hindi na musmos.
Sinong makababatid sa iyong saloobin?
Ito bang siyudad na unti-unting
naglulugon
sa mga pakana ng panahon, kung
saan siklo
ay halumigmig at alinsangan,
sala-salabad
ang retrato ng nagdaraang kasaysayan?
Habang tinutulay mo ang mga mapang
burado
na sa mga yabag ng mga nagdaraang
pulutong ng tao,
ang hanging binubulid ka sa uli-uli
ng hininga
ng paparating na unos, paano
kaya ang magpakatao?
Sa kamay mo ay pira-pirasong
kalatas ng magulang
na nagtaboy sa iyo upang humanap
ng totoong buhay,
ang mga damit na kinalakihan,
mga tula na hindi
matapos-tapos. Wala na nga, wala
nang iba pang paraan
kundi ang ipagpatuloy ang paghahanap
sa antigong lungsod,
itong Bisansiyo ng mga buhay
at mamamatay,
kung saan ang tanging pag-ibig
ay nasa tabi-tabi lamang,
kung saan walang takot na dadagundong
sa iyong himalay
na baka mapariwara ka sa madawag
na mundo ng bitag at tukso.
Lahat ng kuwento sa buhay
mo ngayon
ay lagaslas na lamang sa umaapaw
na gripo ng langit,
pumapagitan sa alimpuyo at bait
ng tadhana.
Tinatangay nito ang lahat ng
butil ng damdaming
isinilid mo sa sisidlan ng pag-asa,
titila-tilamsik
ang mga imahen ng iniwan mong
lalawigan —
mga kababatang tila hindi na
nalimot ang pagkabata
kahit nangungulit na ang anak
at asawa sa kanyang tabi;
mangingibig na nagpabaon ng sumbat
at paalala.
Pinilit mo silang limutin, sa
bawat tapon ng bagahe
sa bintana ng rumaragasang bus,
itinulog sa bawat kalabog
ng radyong maingay, idinaan sa
maraming banlaw
hanggang maging singtingkad ng
tubig ang iyong isipan.
Inaraw-araw mo itong ritwal ng
paglisan, hanggang dumami
ang mga gatla sa mukha mong pilit
na niluluoy ng mga oras.
Rekwerdo na lamang sila, dahan-dahang
humuhulas
sa inunan ng panahon, ngunit
bakit buhay pa rin silang
pinangakuan mo ng pagbabalik?
Mag-iisang taon ka na sa pook
na ito ng pagsubok:
itong lungsod na patuloy sa pagtanda,
paganda nang paganda
sa kabila ng mga guho ng oras,
mga mumo ng anmo,
mga punong nagbakli ng sanga
upang umayon sa disenyo nito,
makinang na makinang sa pag-aalab
ng liwanag sa lansangan.
At ikaw, sa kalugod-lugod mong
pag-aakala na walang puwang
ang iyong alaala sa mundong nilapatan
ng materyal at panahon,
ay ginantimpalaan ng mga diyos
ng isang natatanging piging.
At ang pagdiriwang sa iyong mga
mata sa wakas ay magkakatotoo na
dabil naririto ka na, sa kabila
ng maraming paniniil at paghamak.
Hayun, ang gintong barkong lulutang-lutang
sa harayang tubig.
Papadilim pa lamang. At sa iyong
paghimbing ay haplos ng liwanag
mula sa mga kandilang nagbabantay
sa mga simbahan,
at ang mga makakasalo ay mga
rebultong santo
na ang tanging handog ay dasal
sa iyong labi
na ikaw ay gigising muli sa natatanging
magdamag na ito ng iyong pagsilang.
|